Binuksan sa publiko noong 26 ng Marso ang nakamamanghang Museo ng Muntinlupa. Isang proyektong nagmula sa ideya at pangunguna ni Mayor Jaime Dela Rosa Fresnedi.
Bagama’t bago pa lamang, maituturing na ito bilang isang matagumpay na proyekto ng pamunuan ng lungsod. Mapalad ang Pilipino Mirror at naimbitahan kami upang ma-experience ang nasabing museo.
Sa kabuuang laki ng establisimiyento na may 3,000 metro kwadrado, talaga namang napakarami ang maihahandog nito sa sinumang magnanais bisitahin ito.
Ang Museo ng Muntinlupa ay mayroong limang palapag. Sa unang palapag ay matatagpuan ang mga obra ng homegrown talents ng Muntinlupa. Sa bahaging ito ng gusali isinasagawa ang orientation ng house rules ng museo at isa na nga rito ang mahigpit na pagbabawal ng pagkuha ng letratong may flash. Dito rin matatagpuan ang inspirasyon sa konstruksiyon ng gusali – ang SALAKAB o BAKLAD na nakapalamuti sa kisame ng gusali.
Ang SALAKAB o BAKLAD ay fishing equipment na ginagamit ng mga mangingisda ng Muntinlupa.
Ang ikalawang palapag naman ay nahahati sa tatlong bahagi: ang buhay, talino, at lakas. Sa tatlong bahaging ito malalaman ang kuwento kung paanong mula sa isang fishing community ay naging highly urbanized city na ang Muntinlupa. Sa BUHAY gallery makikita ang mga kagamitan ng mga naninirahan sa Muntinlupa noong panahon ng pre-colonial. Isa naman sa ipinakikita sa TALINO gallery ang proseso ng paggawa ng Anti-venom sapagkat ang Muntinlupa ang main source ng Anti-venom at iba pang antidotes sa buong Filipinas.
Sa nasabing gallery rin matatagpuan ang replica ng pinakamatandang puno sa Muntinlupa, ang Centennial Tree na isang patunay na makakalikasan ang lungsod.
Sa huling bahagi naman matutunghayan ang isa sa main attractions ng museo na talaga namang nakamamangha, ito ay ang projection map of Muntinlupa.
Sigurado namang mas ikatutuwa ng mga kabataan ang ikatlong palapag ng museo dahil mas INTERACTIVE ang attractions. Nahahati ito sa dalawang bahagi.
Ang una ay ang silid kung saan puno ng murals ng kuwento ni Tala at Nilo.
Masasabi kong mahalagang bisitahin ang parteng ito sa pagkat ang kuwento ni Tala at Nilo ay ang kuwentong nais mangyari ng pamahalaan ng Muntinlupa para sa mga kabataan nito.
Ang ikalawang silid naman ay ang lugar kung saan maaaring mag-aliw ang mga bata sa board games at iba pang interactive apparatuses na idadagdag pa sa mga darating na araw.
Ang conference rooms naman na madalas pinagdarausan ng mga seminar ng museo ay matatagpuan sa ikaapat na palapag. Mayroon ding theater ang Museo ng Muntinlupa na may 216 seating capacity na matatagpuan sa ikalimang palapag.
Hindi matatawaran ang hakbang na isinagawa ng gobyerno ng Muntinlupa upang maisakatuparan ang proyektong tulad ng Museo ng Muntinlupa. Sa panahon kung saan ang paggamit ng social media na ang makabagong pamamaraan ng paglilibang, hindi isinantabi ng Muntinlupa ang kahalagahan ng kasaysayan, sining, at kultura.
“Our mayor is a visionary. He envisoned to create a space that is both educational and entertaining at the same time— a soul for the community. This isn’t just a building, it is a house of heritage and arts for the people of Muntinlupa and friends from all over. It is a safe, inclusive space for everyone,” wika ni Ms. Charisse A. Tugade, Museum Director.
Nawa’y ito ang maging halimbawa na ang pagpapahalaga sa kasaysayan, sining, at kultura ay isang malaking bagay sa tunay na pagpapaunlad ng isang bayan.
Nang sa ganoon ay alam ng mga mamamayan, lalo’t higit ng mga kabataan, ang kanilang tunay na pinagmulan.
Bukas ang Museo sa publiko mula Martes hanggang Linggo, 10am to 4pm. Kasalukuyang nananatiling libre ito – kaya ano pa ang hinihintay ninyo?
Pumunta na kasama ang pamilya o barkada at sabay-sabay na i-experience ang nakamamanghang Museo ng Muntinlupa!
Comments are closed.