MAHIGIT dalawang linggo na ang nakararaan mula nang ang ating pamahalaan ay magdeklara ng enhanced community quarantine sa buong Luzon. Sa madaling salita ay lockdown. Halos walang sasakyan ang makikita sa ating lansanagan. Ipinagbawal ang mga pampub-likong transportasyon na bumiyahe. Pati ang mga tricycle na nasa ilalim ng ating mga LGU ay ipinagbawal din.
Seryoso ang ating pamahalaan na pinagsasabihan tayong lahat na manatili sa loob ng ating mga tahanan upang labanan ang pagkalat ng COVID-19. Sa totoo lang, ito lamang ang paraan sa ngayon habang wala pang nagagawang gamot laban sa COVID-19 para mawala ito.
Subalit sa pagpapatupad ng enhanced community quarantine o lockdown, ang laki ng iginanda ng kalidad ng hangin sa Metro Manila. Ang dating maruming hangin sa Metro Manila ay nawala na.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), malaki ang pinagbago ng kalidad ng hangin sa Metro Manila dahil sa pagbawal sa publiko na lumabas sa kanilang tahanan at paghinto ng karamihan ng ating mga negosyo.
Ang average level ng particulate matter o PM10 sa lugar ng Las Piñas ay bumagsak na ng 31.67 micrograms kada normal cubic meter sa ating hangin (ug/Ncm). Samantala, sa Marikina ay bumagsak ng 27.21 ug/Ncm. Ang katanggap-tanggap na datos na kalidad na hangin sa ating kapaligiran na PM10 ay 150 ug/Ncm. Ang laki ng ibinaba!
Sa Muntinlupa naman ay 10.78 ug/Ncm at 14.29 ug/Ncm naman sa Paranaque. Sa Makati ay 2 ug/Ncm, Marikina ay 18 ug/Ncm, Paranaque ay 6 ug/Ncm, Pasig ay 45 ug/Ncm, San Juan ay 23 ug/Ncm , Taguig ay 38 ug/Ncm at sa Quezon City ay 13 ug/Ncm.
Ayon pa sa DENR, malaki ang naitulong ng paghinto ng mga konstruksiyon ng mga gusali at iba pang mga malalaking proyektong pang-imprastruktura.
Malinaw na malinaw na ang pangyayaring ito na gumanda ang kalidad ng polyusyon ay hindi maaaring ibintang sa ating mga coal plant na patuloy na gumagana upang makapagbigay ng suplay ng koryente sa atin. Taliwas ito sa mga nagdudunung-dunungan na environmental group at mga militante na sinasabi na ang pagpapatayo ng mg coal plant ay nakasisira ng ating kalikasan.
Matagal ko nang sinasabi ito subalit patuloy pa rin sila na tumututol sa pagtatayo ng mga coal plant. Ika nga ng mga abogado sa korte ay “I rest my case”.
Hindi pa natin alam kung hanggang kalian matatapos ang enhanced community quarantine. Dapat ay hanggang sa ika-14 ng Abril ito. Subalit sa pat-uloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19, mukhang magtatagal pa ang pagpapahinga ng ating kalikasan sa polusyon na ibinibigay natin sa kanya.