NAGWAKAS ang modus operandi ng 44-anyos na babaeng nagpanggap na registered nurse sa ilang ospital sa Los Angeles County makaraang masakote ng mga tauhan ng Burbank Police Department sa iniltag na operasyon sa nakalipas na Linggo.
Base sa ulat ng news agency, kinilala ang suspek na si Amanda Leeann Porter ng Virginia, USA kung saan huli itong namasukan sa loob ng isang buwan sa Providence Saint Joseph Medical Center.
Sa police record, lumilitaw na si Porter ay hindi rehistradong nurse kung saan dati na itong nasa ilalim ng federal probation sa kasong fraud conviction sa Virginia State at sinasabing nagbigay ito ng false identity at namasukan sa Catholic hospital noong Abril 8,2024 hanggang Mayo 8, 2024.
Nabatid din sa ulat ng pulisya na si Porter na humawak ng 60 pasyente sa nasabing ospital bago pa madiskubre ng kasamang nurse na wala itong lisensya kaya kaagad itong sinibak subalit nakakuha pa ito ng dalawang paychecks bilang sahod sa pagiging pekeng nurse.
Gayunpaman, namasukan din si Porter sa Henry Mayo Newhall Hospital kahit walang lisensya bilang nurse kung saan gumamit ito ng false identities.
Lumilitaw din sa imbestigasyon ng pulisya na si Porter ay sumailalim sa probationary phase sa mga pinasukang ospital at supervision ng qualified training nurse sa dalawang ospital kung saan naniniwala ang mga awtoridad na hindi binigyang pansin ng health care facility na usisain ang background ng suspek na nagpanggap na nurse kahit ito ay walang lisensya.
Kasalukuyang nasa Los Angeles County Central Regional Detention Facility ang suspek sinasabing walang piyansang inirekomenda ang Los Angeles County District Attorney’s Office at nahaharap sa mga kasong multiple felony, identity theft, false impersonation at grand theft.
Ayon pa sa jail record, si Porter ay sasalang sa Burbank Municipal Court sa darating Disyembre 2, 2024 kung saan naniniwala ang mga imbestigador ng pulisya na may kahalintulad na kasong kriminal ang suspek sa Southern California sa nakalipas na taon.
MHAR BASCO