MAGUINDANAO DEL NORTE – SUMUKO sa pulisya ang isa sa tatlong nakapatay ng kanilang kamag-anak nitong Lunes sa Sultan Kudarat upang maagapan ang “rido” o away ng mga angkan.
Sinabi ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, pumayag na magpakustodiya na sa pulisya si alyas Maguid sa pakiusap ng local officials at hepe ng Sultan Kudarat Municipal Police Station na si Lt. Col. Esmael Madin.
Ayon sa mga saksi, isa si Maguid sa tatlong nakapatay gamit ang baril sa kamag-anak na si Anowar Buisan sa kalagitnaan ng kanilang mainitang pagtatalo sa isang lugar sa Barangay Bulalo.
Tumakas si Maguid at ang dalawa pang sangkot sa insidente, ngunit sumuko rin at ipinakustodiya sa mga pulis sa Sultan Kudarat ang kanyang Colt .45 caliber pistol na ginamit sa pamamaril.
Ayon kay Macapaz, nagtutulungan ang mga kasapi ng Sultan Kudarat police force at mga operatiba ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office sa paghanap sa dalawang iba pa.
EUNICE CELARIO