BUMABA ang bilang ng pamilyang Pinoy na nakaranas ng gutom sa second quarter ng taon, ayon sa survey ng Social Weather Station (SWS).
Sa survey na isinagawa ng SWS noong June 26-29, 2022, lumitaw na ang pamilyang Pinoy na nakaranas ng gutom mula Abril hanggang Hunyo ng kasalukuyang taon ay bumaba sa 2.9 milyon o 11.6% mula sa 3.1 milyon noong Enero hanggang Marso.
Ayon sa SWS, ang hunger rate noong June 2022 ay mas mababa ng 0.6 points sa 12.2% (tinatayang 3.1 million families) noong April 2022, at mas mababa ng 0.2 points sa 11.8% (tinatayang 3.0 million families) noong December 2021.
Gayunman ay mas mataas ito ng 1.6 points sa 10% (tinatayang 2.5 million families) noong September 2021.
Mas mataas din ito ng 2.3 points sa pre-pandemic annual average na 9.3% noong 2019, ayon pa sa SWS.
Ang gutom ay pinakamatindi pa ring naranasan ng mga pamilya sa National Capital Region (NCR) sa 14.7%.
Gayunman, ang insidente ng kagutuman sa rehiyon ay bumaba ng 3.9 points mula 18.6% (tinatayang 636,000 pamilya) noong April sa 14.7% (tinatayang 501,000 pamilya) noong June.
Ayon sa SWS, ang kagutuman ay pinakamataas sa Metro Manila sa 24 sa 98 surveys magmula noong July 1998.
Sinundan ito ng Mindanao sa 14.0%, Balance Luzon sa 11.9%, at Visayas sa 5.7%.
Bumaba rin ang hunger incidence ng 2.1 points sa Visayas mula 7.8% (tinatayang 373,000 pamilya) noong April, sa 5.7% (tinatayang 272,000 pamilya) noong June.
Tumaas naman ng 0.9 points ang hunger incidence sa Mindanao mula 13.1% (tinatayang 761,000 pamilya) noong April 2022, sa 14.0% (tinatayang 816,000 pamilya) noong June.
Nadagdagan din ang mga nakaranas ng gutom sa Balance Luzon ng 0.2 points mula 11.7% (tinatayang 1.3 million families) noonb April sa 11.9% (tinatayang 1.4 million families) noong June.