NAKASAGASA NG SEKYU NASAAN NA KAYA?

NAGPAHAYAG ng matapang na babala si PNP officer-in-charge Lt. Gen. Vicente Danao Jr. sa suspek na nakasagasa sa isang sekyu, halos dalawang linggo na ang nakararaan, na harapin ang kanyang responsibilidad at magpaliwanag kung bakit niya nagawang sagasaan at takbuhan ang kawawang security guard na nagtatrapik sa isang malaking mall sa Mandaluyong.

Dagdag pa ni Gen. Danao na napapanahon nang i-revoke ang lisensiya ng nasabing drayber dahil dalawang beses na hindi ito nagpakita sa tanggapan ng LTO upang magpaliwanag sa nasabing aksidente.

May dati na palang rekord ng ‘reckless imprudence’ ang nasabing suspek, ayon pa kay Gen. Danao. “Yes, mayroon na itong the same case, okay take note, this is not the first time that he has a case of reckless imprudence. So, mayroon na ‘to pala, according sa LTO,”ang paliwanag ni Gen. Danao.

Hinamon pa ni Danao ang may-ari ng sasakyan kung bakit takot siyang sumurender sa mga awtoridad.
“Unfortunately, the owner, take note, the owner of the vehicle refused to surrender. So, the possibility is, guilty ka, bakit ayaw mong sumurrender? ‘Di ba? Unang-una identified na nga ‘yong may-ari, kung hindi man ikaw ang gumagamit ng sasakyan ng panahon na ‘yan, eh dapat you have to defend yourself,” ang hamon pa ni Danao.

“Natural course of a decent man who is in his right senses, will definitely surrender immediately. But, ito ang tanong ninyo, bakit hindi su-surrender? Eh, una ikaw, china-challenge kita Mr. San Vicente. Ayaw mong sumurender, tama, o isa lang ang sasabihin ko sa’yo: baka adik ka?” dagdag pa ni Danao.

At hindi pa nagtatapos ang pagtuya ni Danao sa suspek.“Ba’t ayaw mo sumurender? Because no person in his right senses will do that, nakabangga ka na nga ng tao imbes na hintuan mo eh lalo mo pang sinagasaan, o anong klaseng utak ‘yan?”.

Malinaw na buwisit at inis na ang kasalukuyang namumuno ng PNP dito sa suspek na nagngangalang Ginoong San Vicente.

Subalit tila mabagal ang galaw ng hukuman upang mabigyan ng hustisya ang kawawang sekyu. Dahil hanggang ngayon ay wala pa yatang bumababang arrest order sa nasabing suspek. Ang pamilya nito ay mayaman. Nakatira sa isang sikat na subdibisyon sa QC. Sa katunayan ay nabigo ang kapulisan na imbitahan ang suspek sa presinto upang magpaliwanag dahil hinarang sila ng mga security guard ng subdibisyon.

Kaya naman ako ay nagtataka. Bakit hanggang ngayon ay hindi nagpapakita ang nasabing suspek sa awtoridad? Nandito pa kaya siya? Parang wala pa yatang naiulat na naglabas ng hold departure order (HDO) ang Bureau of Immigration (BI) laban kay G. San Vicente.

Sana naman ay mali ako dito. Dahil kung agad na naglabas ng HDO ang BI, nakasisiguro tayo na kung nagtatago ang nasabing suspek ay naririto pa rin siya sa Pilipinas.

Nagtanong ako sa isang kilala, mabait at magaling na abogado. Siya ay si Atty. Florencio ‘Chito’ Singson.

Tinanong ko siya kung kailangan pa ba ng isang pending na nai-file na criminal case sa isang suspek bago mabigyan ito ng HDO. Ang sabi niya ay “For cases where the imposable penalty is 6 years and 1 day and undergoing preliminary investigation, the complainant can ask the prosecutor to file a motion for issuance of a precautionary HDO before the appropriate Regional Trial Court to prevent respondent from leaving”.

Ayun naman pala. Hindi na kailangang hintayin ang arrest warrant mula sa korte upang magbigay ng HDO ang BI. Sana ay gawin ng mga abogado ng sekyu na nasagasaan ang payo ng Atty. Singson kung nais nilang makamtan ang hustiya at hindi makaalis ng ibang bansa itong si G. San Vicente at pananagutan niya ang kanyang ginawa.