NAKASAGASA SA PASLIT SUMUKO

NASA kustodiya na ng Parañaque City police matapos sumuko nitong Lunes ang drayber ng sports utility vehicle (SUV) na nakasagasa sa isang tatlong taong gulang na bata na kinalaunan ay namatay din sa ospital.

Kinilala ni Parañaque City police chief Col. Renato Ocampo ang sumukong suspek na si Rodolfo Codiamat, 68-anyos, residente ng Reymond Village, Parañaque City.

Batay sa ulat, idineklarang dead on arrival sa Medical Center Hospital ang biktimang si Rheymarie Joy Sampang, residente ng of Area 1 Bodoni, Fourth Estate, Brgy. San Antonio, Parañaque City.

Base sa ulat na natanggap ni Ocampo, nangyari ang aksidente dakong ala-5 ng hapon nitong Setyembre 20 sa kanto ng Bodini and Extra Streets at Fourth Estate, Brgy. San Antonio, Parañaque City.

Napag-alaman na binabagtas ni Codiamat lulan ng kanyang minamanehong Toyota Fortuner na may plate number NCV 4752 ang kahabaan ng Bodoni Street at bago makarating sa Extra Street ay nasagasaan nito ang biktima na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Si Codiamat ay kasalukuyang nasa kustodiya ng Parañaque City police at nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide sa Parañaque City prosecutor’s office. MARIVIC FERNANDEZ