(Nakasakay ng Pinoy na unang kaso ng new COVID variant sa Pinas) 125 PASAHERO NG EMIRATES FLIGHT NAKA-ISOLATE NA

Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na kasalukuyan nang naka-isolate ang karamihan sa mga pasaherong nakasakay pauwi ng Filipinas ng Pinoy na unang pasyente ng UK variant ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa bansa.

Ayon kay DOH Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, kabuuang 146 pasahero na ang nakontak nila at sa naturang bilang, 78% o 125 na ang naka-isolate na.

Aniya, ang ilan sa mga ito ay nasa quarantine facilities habang ang iba pa ay naka-home quarantine naman matapos na makatalima sa kinakailangang requirements para rito.

Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng mga ito ang resulta ng COVID-19 testing na isinagawa sa kanila.

“We already contacted 146 of them [close contacts] at 125 po roon ang nagkaroon na tayo ng positive action. Nasa quarantine facilities na po sila, iyong iba naka-home quarantine kasi nakapag-comply naman po sa requirements [of being isolated in a room equipped with a restroom],” pahayag ni Vergeire, sa isang online forum. “Lahat po sila (125) ay na-swab using RT-PCR test at kinunan ng specimen for genome sequencing [needed to detect the new UK variant].”

Ayon kay Vergeire, sa kabuuan ay 159 ang mga pasaherong nakasabay sa biyahe ng pasyente ngunit ang iba ay hindi nila makontak.
Mayroon aniyang nagpapatay ng tawag, mayroong patay ang telepono at ang iba ay maaaring mali ang ibinigay na numero ng telepono.

Kaugnay nito, pinaalalahanan naman ni Vergeire ang mga close contact ng pasyente na makipagtulungan sa mga awtoridad dahil kung tatanggi sila ay maaari silang maparusahan sa ilalim ng Republic Act 1132.

“Meron po tayong Republic Act 1132 na Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act,” aniya pa.

Ang mga lalabag sa naturang batas ay maaaring maharap sa parusang multang mula P20,000 hanggang P50,000 o di kaya ay pagkabilanggo ng hindi bababa sa isang buwan, ngunit hindi hihigit sa anim na buwan, o ‘di kaya ay multa at pagkabilanggo.

Matatandaang Disyembre 27, 2020 nang magtungo ang Pinoy, kasama ang kanyang nobya, sa Dubai para sa isang business trip at bumalik sa bansa noong Enero 7, 2021.

Nang isailalim sa pagsusuri ay natuklasang infected ito ng UK variant ng COVID-19 kaya’t kaagad na ini-isolate upang maisailalim sa gamutan.

Nagnegatibo naman sa virus ang kanyang nobya ngunit isinailalim na rin ito sa isolation. Ana Rosario Hernandez

Comments are closed.