WALANG pinipili ang pagbibigay ng tulong kaya naman maging ang nakatira sa subdibisyon at villages ay nabigyan din ng ayuda na manggagaling sa lokal na pamahalaan ng Parañaque.
Ayon kay Paranaque City Mayor Edwin L. Olivarez, ang bawat pamilya na nakatira sa loob ng mga subdibisyon at villages sa lungsod ay mapagkakalooban ng lokal na pamahalaan ng tig-10 kilo ng bigas at may kasama pang 5 face mask.
Ang ipamimigay na bigas at face mask bilang ayuda ng Parañaque sa mga naturang residente ay ipagkakatiwala naman sa mga presidente ng bawat asosasyon ng homeowners na siya namang magdi-distribute sa mga residente sa kani-kanilang lugar na nasasakupan.
Sinimulan na ang pamimigay ng bigas sa Barangay Marcelo Green upang hindi na sila lumabas pa para lamang bumili nito habang ang buong bansa ay napapailalim sa enhanced community quarantine (ECQ).
Sa panig naman ni City Treasurer Anthony ‘Anton’ Pulmano, sinabi nito na ang lokal na pamahalaan sa pamumuno ni Olivarez ay nagpalabas sa kaban ng bayan ng halagang P20-milyon para lamang sa ipamimigay bilang ayuda sa mga residente ng villages at subdibisyon sa lungsod.
Bukod sa mga ipamamahagi sa mga subdibisyon at villages, dagdag pa ni Pulmano na patuloy pa rin ang pamamahagi sa mga residente ng lungsod ng family food packs na naglalaman naman ng bigas, canned goods, noodles at iba’t-ibang klase ng gulay.
Para naman sa mga senior citizens ay may pondo para sa mga ito ng P50-milyon kung saan ang bawat isa sa kanila ay pagkakalooban ng tig-P1,000. MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.