NAKATIWANGWANG NA GOV’T LOTS GAMITIN SA HOUSING PROJECT

HINIMOK ni House Committee on Appropriations Vice Chairman at Valenzuela City 2nd Dist. Rep. Eric M. Martinez ang Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD) na tingnan ang mga ‘idle’ o hindi nagagamit na lote ng gobyerno bilang posibleng pagtayuan ng socialized housing project.

Kasabay nito, iminungkahi ng third-term Valenzuela City lawmaker na i-prayoridad na maging benepisyaryo ng government housing projects ang mga public school teacher, health care worker o medical frontliner, ang mga tinatawag na uniformed personnel at iba pang state workers.

Sa pagdinig ng naturang komite sa panukalang budget ng DHSUD para sa fiscal year 2023, na nagkakahalaga ng P4.029 billion, tinanong ni Martinez si Housing chief Jose Rizalino “Jerry” I. Acuzar hinggil sa target ng ahensiya na housing units na ipagagawa sa susunod na taon.

Bilang tugon, sinabi ni Acuzar na sa susunod na anim na taon o sa kabuuan ng termino ni Presidente Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. ay nais ng DHSUD na makapagpatayo ng anim na milyong housing units o isang milyon na housing units kada taon.

Inalam din ni Martinez sa DHSUD secretary ang breakdown ng binanggit na one million na housing units na target na maipatayo sa susunod na taon partikular para sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay Acuzar, sa ilalim ng kanilang 2023 budget, nasa 500,000 residential units ang kanilang planong maipagawa sa NCR at ang balanse sa kabuuang 1 million housing units ay ilalagay sa iba’t ibang rehiyon sa bansa.

Kasunod nito ay ipinagbigay-alam ni Martinez sa Housing department ang tungkol sa property na pag-aari ng Department of Information and Communications Technology (DICT), na matagal na umanong nakatiwangwang at upang mapakinabangan ay inirekomenda niyang maging posibleng project site para sa isang ‘high-rise’ housing sa Valenzuela City.

“Mayroon po kami sa Valenzuela City, it’s a government lot, ng DICT. And since it is an idle lot, matagal na talaga siyang hindi nagagamit. Hopefully you could look into it, na itong mga government idle lot na ito, na marami sa NCR, ay maging site for housing projects,” aniya.

“It would just take the imprimatur of the President… at ang ibang agencies would follow suit; kapag ang priority ay housing, dito sa mga idle lot na ito (itayo). Please look into it, the idle lot of DICT sa Brgy. Karuhatan, as a possible high-rise (housing) that could cater to our Valenzuelanos,” pagbibigay-diin pa ni Martinez.

Sa ilalim ng proposed P5.268 trillion national budget para sa fiscal year 2023, ang DHSUD ay makatatanggap ng kabuuang P4.029 billion na pondo; mas mababa ng 48% kumpara sa budget nito ngayong taon na nasa P7.67 billion. ROMER R. BUTUYAN