“FIRST impression lasts.” Ang magandang pambungad mo ay nakatutulong para magkaroon ka ng magandang imahe sa mata ng mga tao. Kung haharap ka sa mga tao – lalong-lalo na sa boss o customer mo – kailangan ay mayroon kang magandang pakikiharap. Ang tawag diyan ay ‘packaging’. Makatutulong ito para isipin nilang isa kang taong professional, maayos, at mapagkakatiwalaan. Kung haharap ka sa mga boss o customer na marungis, ibig sabihin nito ay hindi mo sila pinahahalagahan. Maaaring isipin nilang burara ka, bastos, o walang paggalang.
Siyempre, ang pinakamahalaga sa lahat ay ang kalooban ng tao. Malinis ba ang puso mo? Matuwid ka ba? Tapat ka ba? Mayroon ka bang isang salita? Tumutupad ka ba sa pangako? Bagama’t ang pananamit at pag-aayos sa sarili (good grooming) ay panlabas lamang, nagpapahayag ito ng iyong disiplina sa sarili at pagpapahalaga sa ibang tao. Walang gustong kumausap sa taong mabaho ang hininga, may putok sa kili-kili, magulo ang buhok, marumi at gusot-gusot ang pananamit. Kung nag-oopisina ka, at marami kang katrabahong tao, dapat ay sundin mo ang tinatawag na ‘dress code’ o tuntunin ng kompanya sa wastong pananamit, dahil mayroon kayong imaheng iniingatan. Kaya nga sa paaralan (noong elementarya at high school tayo) ay tinuruan tayong mag-uniform at magkurbata. Kasama iyan sa pagsasanay sa atin para sa buhay may trabaho. Gamitin natin ang lahat ng ating pinag-aralan, kasama na ang good grooming.
Sa aking pananaw, ang isang mahusay na professional, lalong-lalo na ang mga manager, ay dapat may CAP. Ang ibig sabihin ng C ay competence; ito ang iyong kasanayan o kakayahan. Napakaimportante nito. Kaya inaarkila ng kompanya ang isang manggagawa ay dahil sa competence (kahusayan) niya. Ang A ay attitude. Para sa akin, ito ang talagang pinakaimportante. Kung may kasanayan ka nga subalit masama naman ang attitude mo, balewala ang kasanayan mo dahil hindi mo naman ginagamit ito. Palpak o pipitsugin ang gawain kapag masama ang attitude. Ang isa sa magandang attitude ng mga professional na empleyado ay loyalty (katapatan). Huwag mong sisiraan ang kompanyang nagpapasuweldo sa iyo. Dapat nga ay itaas o ibenta mo ito sa iyong mga kakilala. Ang isa sa pinakamasamang ugali ay ang kawalan ng utang na loob. Ano ang tawag mo sa isang taong pinakakain mo, inaalagaan mo, at minamahal mo, at pagkatapos ay kinakagat ka pa? Isang traydor! Parang isang ahas ito! Pinapatay ang mga ahas. Kinukulong ang mga traydor.
Ang P ay packaging. Marahil ito ang pinakamababa ang ranggo sa CAP, subalit napakahalaga pa rin nito kung ang gusto mong makilala ka bilang isang tunay na professional. Kasama sa packaging ang pananamit, pag-aayos sa sarili, pagiging mahusay sa pakikipag-usap sa wikang Filipino at Inggles, pagiging magalang, at wastong social skills o etiquette.
Para maunawaan ang halaga ng packaging, isipin mo ang isang masarap na produkto tulad ng kornik. Kahit na saksakan ng sarap ang niluto mong kornik, subalit kung ang packaging mo ay pangit – nakabalot lamang sa isang mumurahing plastic at sinelyo sa pamamagitan ng pagtunaw sa kandila, at ang label mo ay isang pirasong papel na sinulatan lang ng pentel pen – walang dating! Mukhang mumurahin! Subalit iyong kornik na iyon, kung ilalagay mo sa isang magandang packaging, tulad ng glossy na kahon na karton, may magandang larawan ng mga batang nanlalaki ang mga mata sa kasabikang kumain noon, at may tamang labeling, nagmumukhang napaka-professional at makasisingil ito nang malaking presyo mula sa mga mamimili.
Iyong mabibiling sampung piso mula sa pangit na packaging ay mabibili mo sa halagang P100 sa magandang packaging. Ganyan din sa tao. Ang isang manggagawang mukhang mabaho, marumi at bastos ay aayawan ng employer, at mura lang ang suweldong maaakit. Subalit ang empleyadong bukod sa magaling ay malinis, mabango, maayos, at magalang ay makaaakit ng mataas na suweldo.
Tandaan: Sa kakasingko-singko, nakakapiso; sa kakapiso-piso, nakaka-isang libo.
Comments are closed.