NAKAUGALIANG GAWI AT ANG EPEKTO NITO SA KALUSUGAN

NAIL BITING

(ni CT SARIGUMBA)

MARAMI tayong nakaugalian o habit na araw-araw nating ginagawa—intensiyunal man o hindi. Kung minsan, hindi natin alam na may mga epekto pala ito sa ating kalusugan. Dahil nga naman nakasanayan na nating gawin, patuloy nating ginagawa na hindi natin iniisip kung makabubuti ba ito o hindi sa atin.

May mga kinahihiligan nga naman kasi tayong gawin na naka­pagdudulot ng saya sa atin. Gayunpaman, dapat ay maging maingat tayo sa kung ano mang ginagawa natin o nakasanayan at ala­min natin kung mabuti o hindi ba ito sa kalusugan.

Narito ang ilan sa mga gawi o habit na may epekto sa kalusugan:

NAIL BITING

Una sa ating listahan ang nail biting o ang pagkagat ng kuko. Marami sa atin ang kinahihiligan ang pagkagat ng kuko. May ilan na dahil sa stress kaya’t hindi mapigil ang sariling kagatin ang kuko. Ang iba naman, talagang nakagawian na at hindi na maihiwalay sa kanilang sistema.

May epekto sa kalusugan ang pagkagat ng kuko o nail biting. Sa kakakagat kasi ng kuko, maaaring ma-damage o masira ang ngipin. Bukod sa ngi-pin, maaari rin nitong maapektuhan ang balat o skin sa palibot ng kuko na puwedeng humantong sa infection.

Marumi rin ang kamay at daliri kaya kung madalas mo itong kinakagat, maaari kang magkaroon ng sakit.

Kaya naman, subukang iwasan ang pagkagat ng kuko nang maiwasan din ang problema kaakibat nito. Puwede mong gupitan ng maikli ang kuko o kaya naman ay lagyan ito ng nail polish.

MATAGALANG PAG-UPO

PAG-UPOMay epekto rin sa kalusugan ang pag-upo ng matagal. Marami sa atin ang maghapon sa opisina at nakaupo. Sa dami nga naman ng gawain, madalas ay nakatitig na lang sa computer. Hindi maiwan-iwan ang ginagawa lalo’t may hinahabol na deadline.

Ngunit ang pag-upo ng matagal ay may hindi magandang dulot sa kalusugan. Kumbaga, pinababagal nito ang metabolism na dahilan upang mad-agdagan ang iyong timbang. Konektado rin ito sa ilan pang mga problema sa kalusugan gaya ng sakit sa puso.

Kaya’t para maiwasan ang problemang dulot ng matagalang pag-upo, tumayo-tayo habang nagtatrabaho. Matapos ang isang gawain ay tumayo at mag-inat-inat o maglakad-lakad.

PAGKAIN NG SOBRA AT MABILIS

Mahirap nga namang pigilin ang sariling kumain lalo na kung ang nakahain sa ating harapan ay walang kasing sarap. Pero sabihin mang healthy ang pagkaing kinahihiligan natin, kung marami naman ito o sobra ay nakasasama pa rin ito sa kalusugan. Sa sobrang pagkain ay maa­aring madagdagan ang ating timbang at magkasakit.

Kaya naman, iwasan ang pagkain ng sobra. Iwasan din ang pagkain ng mabilis. Nguyaing mabuti ang pagkain. Sa pagngu­yang mabuti ng pagkain o mabagal na pagkain, maiiwasan nito ang overeating.

PAGPUPUYAT O KAKULANGAN SA TULOG

Sa panahon ngayon, marami ang napupuyat o hindi kaagad natutulog ng maaga. At ang isa sa dahilan nito ay ang panonood ng Kdrama o iba pang mga palabas sa online. Kapag nasimulan na nga naman natin ang panonood, mahirap na itong itigil.

Gayunpaman, nakasasama sa kalusugan ang kakulangan sa tulog. Kung kulang sa tulog ang isang tao ay nagiging makalilimutin ito.

Kaya naman siguraduhing nakatutulog ng maayos nang maipahinga ang katawan at makabawi ng lakas.

Marami tayong ki­nawiwilihang gawin o habit. Gayunpaman, iwasan natin ang mga na­kagawian lalo na kung may masama itong naidudulot sa ating kalusugan. (photo credits: Google)