NAKIKIISA SA “SABAYANG PATAK KONTRA POLIO,” BAKUNA KONTRA POLIO PINAIGTING

Polio Vaccine

BULACAN- INIHAHANDA na ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang mga komunidad sa pagpapatupad ng gawain ngayong Agosto matapos ianunsyo ng Kagawaran ng Kalusugan na itutuloy na ang kampanya para sa “Sabayang Patak Kontra Polio” sa Gitnang Luzon, sa pakikipag-ugnayan sa World Health Organization at United Nations Children’s Fund.

Ang iskedyul ng pagbabakuna kasama ang mga Sabado, Linggo at mga holiday ay magsisimula sa Agosto 3-16, 2020 para sa round one phase two sa buong Bulacan maliban sa Lungsod ng San Jose del Monte na nakatakda sa Hul­yo 20-Agosto 2, 2020, habang ang round two ay nakatakda sa Setyembre 7-20, 2020 para sa buong Gitnang Luzon.

Ayon sa Provincial Health Office-Public Health, nasa 62% ang accomplishment ng Bulacan sa Fully Immunized Children (FIC) na higit na mababa kaysa target na 95% ng bansa.

“Ibinaba na natin ang Sabayang Patak Kontra Polio sa tatlong lungsod at 21 bayan sa lalawigan upang maihanda sila sa sabayang pagbabakuna. Naniniwala tayo na maaabot natin ang target sa pamamagitan nito dahil mababakunahan lahat ng batang may edad 0-59 na buwan anuman ang estado ng bakuna nito, kaya lahat ng hindi nabakunahan noon mahahanap na ngayon,” ani Gob. Daniel R. Fernando.

Layon ng kampanya na mapalakas ang pagbabakuna kontra polio sa pamamagitan ng pagbibigay ng Monovalent Oral Polio Vaccine Type 2 (mOPV2) sa lahat ng batang may edad lima pababa upang masiguro na mapigilan ang pagkalat ng virus, kailangang dalawang magkasunod na round ng Sabayang Patak Kontra Polio ang maisagawa at makuha ang target na 95% upang matiyak na walang batang maiiwan.

Bukod dito, nakikiusap din ang Kagawaran ng Kalusugan na makiisa ang lahat ng magulang, health workers, opisyal ng barangay at mga lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng kampanya upang mawakasan na ang outbreak, palakasin ang Acute Flaccid Paralysis Surveillance bilang patunay na natigil na ang pagsalin, pagbibigay-diin sa tamang lugar at paraan ng pagdumi at pagpapaigting ng paglilinis ng kapaligiran at sarili. MARIVIC RAGUDOS

Comments are closed.