MAYNILA – MISTULANG ipinalit ng isang lolo ang kanyang buhay makaraang mabagok ang ulo matapos na makipag-agawan sa isang walis tingting sa Intramuros kamakalawa ng gabi.
Hindi na naisalba ng mga doktor sa Philippine General Hospital (PGH) ang biktimang si Benito Sano, 71-anyos, at naninirahan sa 14-C Pinang St., Ligid Tipas,Taguig City dahil sa matinding pinsala ang tinamo ng kanyang ulo matapos na makipag-agawan ng walis tingting sa suspek na si Florencio Rivera alyas Jason, 20, taga 223 San Vicente St. Binondo, Maynila.
Sa ulat ng Manila Police District (MPD), naganap ang insidente noong Marso 13 ng alas-2:45 ng madaling araw sa harap ng beer garden na matatagpuan sa P.Burgos St. Intramuros.
Nalaman na nagsasagutan umano si Rivera at isang Mark Anthony Mercullo matapos komprontahin ni Rivera dahil sa masamang tingin.
Sa kainitan ng pagtatalo ng dalawa, nakita ni Rivera ang walis tingting na hawak ng biktima na noon ay nakatayo lamang malapit sa kanila.
Inagaw umano ni Rivera ang walis pero hindi ito ibinigay ng biktima hanggang sa mawalan ito ng balanse at bumagsak sa sementadong kalsada una ang ulo.
Isinugod sa PGH, ang biktima ng isang concerned citizen na si Manaya Bernard Montesino at kamakalawa ng umaga ay tuluyang binawian ng buhay ang biktima.
Naaresto naman si Rivera at sinampahan ng kasong homicide sa Manila Prosecutors Office (MPO). PAUL ROLDAN