(Nakulong dahil sa lumang lapida) HUSTISYA PARA SA 2 EMPLEYADO NG ETERNAL GARDENS BINBIN SA DOJ

Nanatiling nakabinbin sa Department of Justice (DOJ) ang kasong administratibong isinampa noong isang taon ng Eternal Gardens laban sa dalawang piskal na umano’y ginamit ang kanilang impluwensya upang maipakulong ng tatlong araw ang dalawang kawani ng nasabing memorial park dahil sa isang nawawalang lumang lapida.
Pinaiimbestigahan sa DOJ dahil sa umano’y ilegal na pag-aresto at ilegal na pagditine kina Arnel Albuzzo at Marizza San Diego, sina Prosecutor II Edelwina Ebreo at Deputy City Prosecutor Evelyn Jovellanos ng Batangas City Prosecution Office.
Ipinagtataka naman ni Atty. Alexis Oco, abogado ng Eternal Gardens na tumatayong counsel nina Albuzzo at San Diego, ang pagkakabinbin nito sa DOJ.
“Justice delayed is justice denied, hiling lamang naman namin sa DOJ na bigyan ng hustisya ang dalawang empleyado ng Eternal Gardens na ipinakulong ng dalawang inireklamong piskal sa gitna na ginagawa lamang nila ang kabilang tungkulin,” pahayag ni Atty. Oco.
Ang kaso na isinampa sa DOJ laban sa dalawang piskal noong Oktubre ng nakaraang taon ay nag-ugat sa pag-estima ng dalawang empleyado kay Piskal Ebreo na kanilang kliyente ukol sa isang nawawalang lumang lapida.
Sa kabila ng pag-asiste ng dalawa kay Piskal Ebreo, sila pa ang ipinaaresto ng Piskal sa mga pulis ng Lalawigan ng Batangas noong Oktubre 13, 2023 kahit walang warrant of arrest, dahil umano sa kasong pagnanakaw base sa reklamo ng Piskal laban sa dalawa na ipinayl nito sa pulisya.
Bukod sa walang warrant of arrest, walang abogado ang dalawa noong sila ay agarang inimbestigahan at isinailalim sa inquest proceeding ng kasamahang piskal ni Ebreo na si Piskal Jovellanos.
“We noted that there were already violations of their rights since they were subjected to investigation, questioning without the presence of any counsel of their choice and inquest proceedings was presided by another member of the Office of the Prosecutor’s Office without presence of counsel of choice of the two employees or even a member of PAO (Public Attorney’s Office),” ani Oco.
Sinabi pa ng abogado na ang ginawang pag-takeover ng dalawang piskal sa trabaho ng mga imbestigador sa pagkuha sa statement ng mga pulis at paghanda ng mga dokumento na trabaho sana ng pulisya ay tahasang pagpapakita ng kanilang kapangyarihan at impluwensiya.
Nakalabas lamang ang dalawa sa piitan matapos ang tatlong araw na pagkabilanggo nang makapagpiyansa ang mga ito noong Oktubre 16, 2023. EC