NAKUMPISKANG 6.4K LITERS NG DIESEL IDO-DONATE SA PCG

INAPRUBAHAN ni Finance Secretary Carlos Dominguez III ang pagdo-donate ng 6,357.8 liters ng unmarked fuel sa Philippine Coast Guard (PCG) ng  Bureau of Customs (BOC), na nakumpiska noong  September 2021.

Sa isang statement, sinabi ng Department of Finance (DOF) na lumagda ang BOC at PCG sa isang memorandum of agreement sa turnover ng mga nasamsam na diesel fuel sa Coast Guard para sa anti-smuggling operations nito.

Ayon sa DOF, ipinag-utos ng Port of Clark ang pagkumpiska sa diesel fuel, na natagpuan sa isang retail gas station sa Arayat, Pampanga makaraang magsagawa ang composite team ng BOC at Bureau of Internal Revenue (BIR) ng field tests at natukoy ang kawalan ng fuel marker na inilalagay sa tax-paid oil products.

Mula sa rekomendasyon ni Finance Undersecretary Antonette Tionko, ang nakumpiskang fuel ay ido-donate ng BOC sa  PCG.

Sinabi ng DOF na nagpalabas ng desisyon ang Customs district collector sa Clark port noong September 22, 2021, na nagpo-forfeit sa nakumpiskang fuel pabor sa gobyerno makaraang magsagawa ng legal proceedings na natapos nang maghain ang pamunuan ng gas station, ang Luzon Petromobil Integrated Service Stations Inc. (LPISSI), ng affidavit na nag-aabandona sa claim nito sa mga kinumpiskang produkto.

“The decision became final on October 11, 2021 as no other petition was filed by LPISSI after the lapse of the 15-day period for filing an appeal.”