NAKUMPISKANG ASF-INFECTED HOGS UMABOT NA SA 500

UMABOT na sa halos 500 baboy ang nakumpiska ng pamahalaan sa gitna ng kampanya ng bansa laban sa African swine fever (ASF).

Ito’y matapos muling makasabat noong Huwebes sa Mindanao Avenue ang mga operatiba ng checkpoint ng magkasanib na puwersa ng Department of Agriculture (DA), Bureau of Animal Industry (BAI), Philippine National Police (PNP) at Quezon City local government unit ng shipment na may lulang 70 baboy na kalaunan ay nagpositibo sa ASF.

Ayon sa ulat ng DA, sa pag-iinspeksiyon ng mga nakatalaga sa checkpoint ay natuklasan na nagpakita ng clinical signs o sintomas ng ASF ang naturang mga baboy at ilan dito ay nasawi kung.kaya agaran ang naging pagkumpiska sa mga ito.

Isinagawa ang pag-condemn sa mga baboy noong Biyernes, Setyembre 27, matapos magpositibo ang mga ito sa isinagawang test.

“This confiscation highlights the Bureau of Animal Industry’s (BAI) ongoing effort to prevent the spread of ASF and protect the country’s swine industry,” ayon sa statement na inilabas ng DA.

Sinamsam din ng mga awtoridad ang ilang meat products matapos matuklasan na pineke ang Certificates of Meat Inspection (COMI) at tampered ang petsa ng mga manufacturing nito.

Kung nakalusot sa checkpoints ang mga baboy na tinangkang ipuslit, dadalhin ang mga ito sa mga lalawigan ng Ilocos, Pangasinan, Tarlac, Bulacan at Cagayan, na maglalagay sa buhay ng iba pang baboy sa panganib, maging ang kalusugan ng publiko.

Binigyang-diin ni Agriculture Assistant Secretary for Swine and Poultry, Dr. Constante Palabrica ang kahalagahan ng mga checkpoint na nagbabantay 24/7 upang tiyaking hindi kakalat ang ASF sa rehiyon. “This operation is crucial in stopping the ‘ping pong’ movement of the ASF virus between the northern and southern regions of the country. We urge legitimate traders to ensure that all their transport documents are valid and compliant with regulations. Let us work together to protect the animal industry and safeguard the livelihood of Filipino farmers,” sabi ni Palabrica.
Bukod sa mga baboy, tsine-chech din sa checkpoint ang mga manok upang maiwasan naman ang pagkalat ng Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) o bird flu.

“BAI continues to maintain strict vigilance and ensure that all meat, livestock and poultry transported across the country meet safety and regulatory standards,” ani Palabrica. Ma.Luisa Macabuhay- Garcia