HINILING ni Senadora Imee Marcos sa gobyerno na baligtarin ang sumpa ng smuggling bilang grasya sa mga mahihirap na estudyante sa pamamagitan ng pagdo-donate ng mga cellphone, tablet at laptop na nakumpiska ng Bureau of Customs (BOC).
“Kung nagawang i-donate ng BOC ang halos 800 puslit na behikulo sa mga pulis, militar at iba pang ahensiya ng gobyerno noong Hulyo, siguradong kaya rin nitong lutasin ang pag-aalala ng libo-libong mga estudyante sa pamamagitan ng pagdo-donate sa kanila ng mga kumpiskadong electronic gadgets,” giit ni Marcos.
Sinabi ni Marcos, chairman ng Senate Committee on Economic Affairs, na posibleng lumobo pa ang mga ilegal na transaksiyon ng pag-angkat ng mga gadget bunsod ng mataas na demand dahil sa ipinatutupad na social distancing dulot ng pandemya ng COVID-19.
Dagdag ni Marcos, sa halip na sirain o isubasta, maaaring i-donate ng gobyerno ang smuggled electronic devices na hindi pa rin kinukuha ng mga importer matapos ang 15 araw na sila’y maabisuhan.
Nitong Agosto, iniulat ng BOC na nakasamsam sila ng halos 29.5 tons ng cellphones, storage devices at electrical items na walang mga clearance mula sa Bureau of Product Standards, National Telecommunications Commission at Optical Media Board.
Habang noong nakaraang taon, kabuuang P100 million na halaga ng mga cellphone, baterya ng cellphone at tablet na mula Hong Kong ang nasabat noong Hulyo sa Clark Freeport Zone sa Pampanga, bukod pa sa P15 million na mga second-hand na cellphones, lithium batteries at phone accessories na mula South Korea na nakumpiska ng sumunod na buwan sa paliparan ng Maynila.
“Ang isang libreng cellphone o laptop ay malaking ginhawa para sa isang nanay na pilit pagkakasyahin ang badyet para sa araw-araw na gastos sa pagkain, bayad sa koryente, at ngayon sa online learning,” ani Marcos.
Ang isang brand new laptop na may 14-inch screen ay halos nasa P15,000 hanggang P20,000, samantalang ang second hand ay puwedeng mabili online mula P4,000 at ang mini-version o netbook na may 10-inch screen ay nasa P6,000 hanggang P10,000.
Hindi pa kasama rito ang presyo ng accessories tulad ng mouse, headset, charger o laptop cover na halos umaabot ng P500 kada isa.
“Paano na ang pamilyang may tatlong anak? Wala silang choice kundi maghiraman kaya ang resulta, ‘di natapos na lesson pati mga exam,” sabi pa ni Marcos.
“Kakailanganin ng pamilyang may tatlong anak ang P25,000 para makabili ng dalawang laptop, makapagpakabit ng upgraded na internet connection, at obligado pa ang isa sa mga magulang na maglaan ng kahit apat na oras kada araw para tulungan ang kanilang anak sa pag-aaral,” giit ni Marcos.
“Posible pang mawalan ng trabaho ang magulang kung gagawin ito o mahirapang humanap ng trabaho. Gaano karaming Filipino ang may P25,000 para makabili ng bagong cellphone, laptop at iba pang mga ginagamit ngayon sa pag-aaral?” dagdag ni Marcos. VICKY CERVALES
Comments are closed.