PARANAQUE CITY – ISINALINsa pangangalaga ng Food and Drug Administration (FDA) ang kahon-kahong gamot na nakumpiska noong Linggo sa warehouse ng isang Chinese doctor kung saan nauna nang ipinasara ng lokal na pamahalaan ng Paranaque ang pinapatakbong clinic nito sa Barangay Baclaran noong nakaraang Biyernes dahil sa pag-ooperate ng naturang clinic ng walang kaukulang business permit at license to operate.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez, base sa report ng hepe ng City Health Office (CHO) na si Dra. Olga Virtusio, sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng mga tauhan ng CHO at ng Parañaque Business Permit and Licensing Office (BPLO) na pinamumunuan ni Atty. Melanie Malaya nito lamang nakaraang Linggo ang warehouse ng inarestong Chinese doctor na si Yumei Liang, a.k.a. Liza Qu, na matatagpuan sa Airport Road, Baclaran, Paranaque City.
Konektado ang pagsalakay sa naturang warehouse na pag-aari ni Liang sa naunang isinagawang raid at pagpapasara ng kanyang clinic noong nakaraang Biyernes na kanyang pinapatakbo na matatagpuan sa 3985 Lt. Garcia St., panulukan ng Airport Road, Barangay Baclaran, Paranaque City, na ilang metro lamang ang layo mula sa kanyang warehouse.
Sinabi ni Olivarez na ang mga kahon-kahon na nakumpiskang ‘injectable’ medicine ay mga produkto di-umano ng Kelum Pharmaceutical na galing pa ng China.
Dagdag pa ni Olivarez, ang mga nakumpiskang ‘injectable’ medicine ay sinasabing gamot para sa mga pasyente ng HIV, sexually transmitted disease (STD), sa mga tinamaan ng dengue at iba pang mga antibiotics gayundin ang ilang kahon na di-umano’y gamot naman para sa coronavirus disease (COVID19). MARIVIC FERNANDEZ
Comments are closed.