(Nakunan na nangongotong) 2 MTPB ENFORCERS SINIBAK

INATASAN ni Manila Mayor Isko Moreno ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na agad na sibakin sa serbisyo ang dalawang traffic enforcers na na-videohan habang nangongotong sa isang motorista.

Ang pagsibak ay kaugnay ng umiiral na one-strike policy sa pamahalaang lungsod. chief Dennis Viaje
Ang nasabing mga enforcer ay nakita sa isang video na kuha ng isang netizen na kinokotongan ang isang truck driver sa Laong-Laan St. sa Sampaloc noong isang linggo.

Ang video recording ay nakarating sa tanggapan ni MTPB chief Dennis Viaje at agad na inutusan ang dalawang enforcers na isurender ang kanilang IDs at uniforms na inisyu sa kanila.

“Tinanggal na ni MTPB Director Viaje ‘yung dalawang kotong enforcers para ‘di pamarisan. As you all know, our policy is one-strike policy, nothing more nothing less. There are no second chances,” ani Moreno.

Pinasalamatan din ng alkalde ang netizen na kumuha ng video at tiniyak na nakarating ito sa kanyang tanggapan.

Hinikayat din ni Moreno ang lahat ng netizen na tulungan ang mga kawani ng pamahalaang lungsod na linisin ang mga tiwaling kawani.

Gayunpaman,anang alkalde na ang lahat ng ipinapadalang reklamo at impormasyon ay bineberipika at kapag nagpositibo ay agad na gagawan ng aksiyon tulad ng nangyari sa dalawang traffic enforcers.

“Pahinga muna sila. Pagdating sa ganitong uri ng gawain, one-strike policy talaga tayo. Wala akong tolerance sa kotongero,” giit ni Moreno.

Kaya’t muling binalaan ni Moreno ang lahat ng miyembro ng MTPB at iba pang kawani ng gobyerno na malakas na ang loob ng mga netizen na i-report ang anumang katiwalian sa pamahalaang lungsod.
VERLIN RUIZ

4 thoughts on “(Nakunan na nangongotong) 2 MTPB ENFORCERS SINIBAK”

Comments are closed.