PINAPURIHAN ni National Security Adviser (NSA) and NTF-ELCAC Vice Chairperson Clarita R. Carlos ang mga tauhan ng Philippine Army kasunod ng naganap na engkuwentro sa Sitio Gibasya, Barangay Tigbanaba, Igbaras, Iloilo.
Sa pagtungo ni NSA Clarita Carlos sa Western Visayas nitong nakalipas na linggo ay nakarating sa kanya ang ulat na napasabak ang mga tauhan ng 61st Infantry “Hunter” Battalion ng Philippine Army’s 3rd Infantry Division sa isang grupo ng mga armadong CPP-NPA SA Sitio Gibasya.
“Napakalaki ng pasasalamat ko sa mga sundalo ng 61st Infantry Battalion para sa tagumpay na ito. This is a significant milestone in our mission of totally eliminating the communist influence in Visayas,” pahayag ng NSA.
“Malinaw ang ating government policy at guidance ng Pangulo sa ating laban kontra insurgency. Patuloy ang ating panawagang pangkapayapaan para sa mga natitirang miyembro na nais ng magbalik-loob. Pero sa kabila ng paghina ng kanilang puwersa, hindi pa rin magpapabaya ang ating kasundaluhan sa pagprotekta sa bawat mamamayang Pilipino,” dagdag pa ni Carlos.
Isang bangkay ng CPP-NPA ang na-recover ng military at tatlong high-powered firearms ang nasamsam sa encounter site habang wala namang nasugatan sa hanay ng kasundaluhan .
Subalit sa likod nito ay nagpahayag naman ng kanyang kalungkutan si Major General Benedict M Arevalo, 3rd Infantry Division Commander dahil sa pagkamatay ng isa na namang NPA dahil sa walang kabuluhang ipinaglalaban.
“As much as possible, we want to make them realize that joining armed struggle is not the answer to attaining societal change, and we don’t want another victim and lives to be wasted. We are so much concerned for their families suffering their loss,” ani MGen Arevalo.
Sa gitna ng tagumpay ng tropa ng pamahalaan ay muling hinikayat ng NTF-ELCAC na samantalahin ng nalalabing miyembro ng rebel armed groups ang amnesty program ng gobyerno at magbalik loob na sa pamahalaan at mamuhay ng matiwasay. VERLIN RUIZ