NALITO NA ANG FILIPINO

MASAlamin

NALITO na ang Filipino. Hindi maresolbahan ang mabigat na trapiko. Hindi maresolbahan ang pagtatapon ng basura. Hindi maresolbahan ang pasikip na pasikip na mga kalye dahil sa mga illegal vendor at mga iskwater. Hindi maresolbahan ang namamatay na mga kailogan dahil sa mga basurang gawa ng mga malalaking kompanya at mga kababayang wala lang pakialam sa pagtatapon ng kanilang mga basura sa mga waterway.

Nalito na ang Filipino. Napapayag sa K-12 at nadagdagan ng dalawang taon sa pag-aaral bago makamtan ang inaasam na diploma samantalang kung ku­kwentahin kasama ang pre-school ay 12 taon naman pala ang natatapos na dati pa.

Nalito na ang Filipino. Tanggap na nila ang korupsiyon sa gobyerno, nagpapanting na lamang ang tainga kapag bilyon-bilyong piso na ang nadirinig na ninanakaw ng mga opisyal. Tanggap na nila ang political dynasty at panunuhol ng mga kandidato kada eleksiyon. Tanggap na nila ang pangingikil ng mga NPA at korupsiyon sa corporate sector.

Nalito na ang Filipino. Tsitsirya na lamang ang kayang i-manufacture, pati toothbrush kailangan nang i-import. Ang pinakamagaling na propesyon para sa kanila ay ang pag-aartista o ang pagtama sa lotto. Ngayon puwede na ring dream profession ang pagiging boksingero. Kahit sa kakulangan sa height, favorite sport pa rin nila ay basketball at na­ngangarap pa ring ma­ging number 1 sa buong mundo sa larangang ito, samantalang ang mga magagaling sa ibang sport katulad ng chess ay pinababayaan.

Kapag sumikat sa pag-aartista o naka-jackpot sa abroad, puwede nang maging politiko dahil gobyerno pa rin ang pinakamalaking industriya sa Filipinas puwede nga namang maging instant multi-milyonaryo. Ang iba ay sa ilegal kumukuha ng pondo para sa inaasam na mga pa­ngarap.

Nalito na ang mga Filipino. Idol na ang mamang lespu na yumaman dahil sa pagprotekta sa droga. Bida ang mga nakapagnakaw ng bilyon-bilyon sa pamahalaan nang hindi naaasunto. Nalito na ang Filipino, takbo nang takbo dala ang mga paninda upang takasan ang gobyernong sila ang lumikha.

Nalito na ang Filipino. Mas maigi na sa kanilang mag-text o maglaro hawak ang kanilang smartphone kaysa makipag-usap sa kanilang pamilya.

Bakit kaya, ano ba ang lumito sa Filipino?

Comments are closed.