NALULUNOD NA DALAGITA NASAGIP NG BAGITONG PULIS

RIZAL- ISANG bagitong pulis na nagpamalas ng katapangan at kabayanihan nang sagipin ang dalagitang nalulunod sa ilog Pasig na sakop ng Taytay ang umani ng papuri mula sa netizens matapos mag-viral ang kanyang video.

Suot pa ni Pat. August David, Jr., 26-,anyos ang kanyang uniporme nang walang pag-alinlangan na tumalon mula sa Barkadahan Bridge Floodway, Brgy. San Juan, Taytay, Rizal upang sagipin ang Grade 9 student na residente sa naturang lugar.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Rizalito Gapas, sinabi ni Valenzuela Police Chief Salvador Destura, Jr. nangyari ang insidente nitong Oktubre 6 dakong alas-12:30 ng tanghali habang patungong Taytay si Pat. David na nakatalaga bilang trainee sa Valenzuela Police Station at residente ng 415 3rd St. GHQ Village, Brgy, Katuparan, Taguig City mula sa Camp Bagong Diwa, Bicutan, Taguig City na sakay ng isang pampasaherong jeep upang kumain ng tanghalian.

Pagsapit ng pampasaherong jeep sa Barkadahan Bridge Floodway, nakita ni Pat. David ang ginawang paghakbang ng dalagita sa gilid ng tulay at agad na tumalon sa malalim na ilog.

Mabilis na bumaba sa jeep si David saka naghubad ng sapatos at inalis ang laman sa bulsa ng suot na pantalon, bago nagtungo sa gilid ng tulay at buong tapang na tumalon sa ilog kung saan matagumpay na nasagip niya ang dalagitang nalulunod.

Ayon kay Col. Destura, nasa mabuti ng kalagayan sa Taytay Emergency Hospital ang dalagita na dumaranas umano ng matinding depresyon na sanhi ng kanyang tangkang pagpapakamatay.

“I am extremely proud of the bravery and compassion shown by our police trainee August David Jr.

His action shows that police work is not only about arresting,” pahayag ni Col. Destura matapos niyang ipaabot ang kanyang papuri at paghanga sa bagitong pulis. EVELYN GARCIA