(Nalunod sa sea training) COAST GUARD NA “COMA” PATAY NA

CAVITE- TULUYAN ng binawian ng buhay nitong Lunes ng gabi ang isang miyembro ng Philippine Coast Guard (PCG) na tubong Tabuk City, Kalinga matapos na ma-comatose ng tatlong araw nang malunod sa sea training sa Kawit sa lalawigang ito.

Base sa report ang biktima ay nakilalang si Mori Caguay, 30-anyos, residente ng Bulanao, Tabuk City .

Nabatid na ang biktima ay na-comatose at idineklarang brain dead matapos na isugod sa isang ospital makaraang malunod umano habang nasa kasagsagan ng kanilang Water Search and Rescue (Wasar) Training sa Kawit, Cavite.

Ayon sa report nawalan ng malay sa nasabing pagsasanay si Caguay nitong Nobyembre 16 at opisyal na idineklarang patay alas-8:14 ng gabi nitong Lunes.

Sa video na inilabas online, ipinakita ang walang malay na si Caguay sa dagat nang dalhin siya ng mga kasamahan sa bangka para subukang -irevive.

Dinala si Caguay sa ospital kung saan siya ay na-intubate. Nadiskubre na may blood clot ito sa kanyang utak at na diagnosed na “brain dead” na ang biktima.

Ayon kay PCG Spokesman Rear Admiral Armando Balilo, nagsasagawa na sila ng imbestigasyon sa insidente at bilang bahagi nito, 10 PCG personnel ang kanilang ni-relieved o sinibak.

Samantala, humihingi naman ng hustisya ang pamilya ng biktima sa pagkamatay ng kanilang kaanak at iginiit na may kapabayaan ang mga opisyal ng PCG na nagresulta sa pagkamatay ni Caguay. EVELYN GARCIA