(Namahagi ng baboy, pagkain at bitamina) 56 BENEPISYARYO NG DAR PINALAKAS

UPANG mapaunlad ang kabuhayan ng mga magsasaka, may kabuuang 56 na agrarian reform beneficiaries (ARBs) na miyembro ng Hacienda Tabaco Farmers Association (HATAFA) sa Hacienda San Miguel Island, Tabaco, Albay ang tumanggap ng mga baboy, pagkain at bitamina mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) bilang karagdagang mapagkakakitaan higit sa kanilang regular na kita mula sa pagsasaka.

Ayon kay Provincial Agrarian Reform Program Officer I Patricia Rastrullo, ang swine breeding project ay ipinapatupad sa ilalim ng Convergence on Livelihood Assistance for ARB’s Project (CLAAP) kung saan ang 56 na benepisyaryo ay tumanggap bawat isa ng dumalagang baboy, 168 sako ng pagkain at mga kahon ng bitamina.

Sa pamamahagi ng tulong ng DAR sa mga magsasaka, isang veterinarian ang nagpaliwanag sa mga benepisyaryo ng wastong pag-aalaga ng mga dumalagang baboy upang mas maging produktibo ang mga ito sa pag-aanak.

Binigyang diin ni Rastrullo, layunin ng DAR ay masiguro ang ARBs ay mabigyan ng pagkakataon na madagdagan ang kanilang produksiyon at kita pagkatapos na maigawad ng ahensiya ang mga lupang agrikultural at sila ay mapagkalooban ng mga suportang serbisyo.
Ipinaalala ni Chief Agrarian Reform Program Officer (CARPO) Herbert Tengco na sa ilalim ng pinagkasunduan ng dalawang panig sa pagitan ng HATAFA at mga kasapi nito ang mga benepisyaryong nabigyan ng isang dumalagang baboy ay may obligasyong magbalik sa samahan ng dalawang dumalagang baboy.

Ang sistemang ito ay upang ang isang dumalagang baboy ay maging bahagi ng kita ng agrarian reform beneficiary organization (ARBO) at ang isa naman ay ibabahaging muli sa iba pang mga kasapi.

Kaugnay nito, tinitiyak ng roll-over scheme na ito na ang lahat ng mga miyembro ng ARBO ay magkakaroon ng pagkakataon na maging benepisyaryo ng proyekto.

Nagpahayag si HATAFA Chairman Adelina Balingbing ng kanyang pasasalamat sa grupo ng DARPO Albay dahil sa pagpili ng kanilang samahan bilang benepisyaryo ng proyekto. EVELYN GARCIA

Comments are closed.