(Namataang umuusok sa ere, 5 labi unang nakita) EROPLANO BUMULUSOK, SUMABOG

plane crash

LAGUNA – PINAGHAHANAP pa ang dalawa sa pito kataong lulan ng  bumagsak na 7-seater na eroplano sa bubong ng isang bahay o cottage sa  Miramonte Village, Agojo Private Resort, Brgy. Pansol, lungsod ng Calamba kahapon.

Ayon sa inisyal na ulat ni Regional Public Information Officer (RPIO) PLt. Col. Chitadel Gaoiran, bandang alas-3:20 ng hapon nang maganap ang naturang insidente habang pabalik sa Maynila ang nasabing eroplano mula sa Dipolog City lulan ang umano’y doktor, nurse at pasyente. Ang pasyente umano ay dadalhin sa Maynila para sa gamutin. Lumilitaw sa report na sa tapat mismo ng Mt. Makiling nang mamataang nawala sa tamang direksiyon ang nasabing eroplano bunsod na rin ng matinding lakas ng ulan saka bu­magsak at sumabog. Nakita rin na umuusok pa ito sa himpapawid.

Dahil sa apoy mula sa pagsabog ay nasunog naman ang bahay na binagsakan nito.

Rumesponde sa lugar ang mga kagawad ng Bureau of Fire Protection, (BFP) Regional Public Safety Batallion at Calamba City PNP kabilang ang City Disaster Risk Reduction Management Office (CDRRMO) para agarang maapula ang malaking apoy at masagip ang mga biktima.

As of 6PM, ay nakita ang limang bangkay ng mga pasahero na natakpan ng debris.

Wala pa ring pagkakakilanlan ang mga biktima.  Habang ang dalawang nasugatang residente na napag-alamang mag-lola ay nasa ligtas nang kalagayan.

Sinasabing  caretakers sa nasabing resort ang dalawa na isinugod sa pagamutan bunsod ng tinamong mga sugat sa kanilang katawan. DICK GARAY

Comments are closed.