MATAPOS na tanggihan ng crematories, kinumpirma ng Department of Health (DOH) na ipinalibing na lamang nila ang mga labi ng isang 44-anyos na Chinese national na namatay dahil sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019-nCoV-ARD) at isa pang indibiduwal na iniimbestigahan dahil sa posibilidad na dinapuan din ng nCoV o itinuturing na patient under investigation (PUI).
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque III, minabuti na lang ng direktor ng San Lazaro Hospital na ilibing na lamang ng maayos ang mga labi ng dalawang pasyente.
Aniya, natapos ang paglilibing sa mga ito kamakalawa ng umaga ngunit tumangging ihayag kung saan inilibing ang mga pasyente bilang pagbibigay ng respeto at privacy sa mga kaanak ng mga ito, ngunit tiniyak na maayos ang isinagawang proseso.
Hindi naman malinaw kung alin sa dalawang PUIs na namatay ang tinutukoy ni Duque na inilibing na.
“Nilibing na… minabuti ng ating direktor ng San Lazaro na gawin na lang ang burial. Natapos na kahapon ng umaga,” ani Duque, sa panayam sa radio.
Matatandaang matagal na sanang dapat na iki-cremate ang bangkay ng Chinese na second confirmed nCoV case sa Filipinas, ngunit wala umanong crematorium na gustong tumanggap ng trabaho, dahil sa pangambang makaapekto ito sa kanilang negosyo.
Ang naturang pasyente ang unang nCoV patient na namatay sa Filipinas, at kauna-unahan ring nCoV patient na namatay sa labas ng China.
Una na ring kinumpirma ng DOH kamakalawa na dalawa na ang itinuturing nilang PUI na binawian ng buhay dahil sa pneumonia.
Ang unang PUI fatality ay isang 29-year-old Chinese male na may immune compromised dahil positibo rin ito sa human immunodeficiency virus (HIV), habang ang ikalawa namang PUI fatality ay mayroon naman umanong underlying restrictive lung disease at binawian din ng buhay sa isang hindi tinukoy na pagamutan sa Metro Manila. ANA ROSARIO HERNANDEZ