AALALAHANIN ang mga sportsman at minamahal na kaibigan ng Philippine sports na sumakabilang-buhay noong nakaraang taon sa nalalapit na San Miguel Corporation-Philippine Sportswriters Association (SMC-PSA) Annual Awards Night.
Ang mga atleta, coach, opisyal at supporter ng local sports ay gagawaran ng posthumous award sa March 27 virtual rite sa TV5 Media Center.
Ngayon lamang nagkaroon ng mahabang listahan ng sportsmen na pumanaw noong 2020, kabilang sina dating Ambassador at basketball godfather Eduardo ‘Danding’ Cojuangco, national team coaches Januario ‘Aric’ Del Rosario at Nic Jorge, Olympians Alfonso ‘Boy’ Marquez at Orlando ‘Orly’ Bauzon, Philippine boxing grand matriarch Laura Elorde, at Teddyvic Melendres, dating sports at senior news desk editor ng Philippine Daily Inquirer at PSA president mula 2009-2011.
Isang sandali ng katahimikan ang iaalay at isang special video presentation ang ipalalabas bilang pag-alala sa kanila sa unang bahagi ng programa na itinataguyod ng San Miguel Corporation (SMC) at suportado ng Philippine Sports Commission (PSC) at Cignal TV.
Ang kauna-unahang virtual PSA Awards Night ay mapapanood sa March 28 sa OneSports+ simula alas-7 hanggang alas-8 ng gabi, kasama ang 1Pacman Partylist, Chooks-to-Go, at Rain or Shine bilang major backers.
Ang iba pang gagawaran ng posthumous award ay sina Inaki Vicente, Arianne Caoili, Salvador ‘Buddy’ Andrada, Maui Huelar, Jomar Ang, Domingo ‘Coach Waray’ Villanueva, Gene Poliarco, Alexander Lim, Bea Luna, Junel Mendiola, Ollie Ongtawco, Yana Bautista, Oscar ‘Dodong’ Bascon, Albert Almendralejo, Ronald Dulay, Randy Villanueva, Rudy Del Rosario, Vangie De Jesus, Sudan Daniel, Rico Navarro, at Josie Veguillas.
Nangunguna sa PSA honor roll si pro golfer Yuka Saso, na tatanggap ng prestihiyosong Athlete of the Year Award na mag-isang ipinagka-kaloob ng pinakamatandang media organization sa bansa na pinamumunuan ni Tito S. Talao, sports editor ng Manila Bulletin.
Ang iba pang awards na igagawad ay ang President’s Award (POC President Abraham ‘Bambol’ Tolentino), Executive of the Year (PBA Commissioner Willie Marcial), National Sports Association (NSA) of the Year (Association of Boxing Alliances in the Philippines), at Major Awardees (Alex Eala, Johnriel Casimero, at Pedro Taduran).
Tatlong sports pillars ang kikilalanin sa pamamagitan ng Lifetime Achievement Awards (daring Gintong Alay Project Director Jose A. Romasanta, ex-PBA Commissioner Renauld ‘Sonny’ Barrios, at Cojuangco), habang si boxing great Manny Pacquiao ang recipient ng ‘Manok ng Bayan’ award, at ipagkakaloob ang citations at special recognition sa 20 personalities at entities, gayundin sa mga atleta na nagsilbing frontliners sa nararanasang COVID-19 pandemic. Magsisilbing hosts ng event sina Gretchen Ho at Carlo Pamintuan.
Comments are closed.