NAMBULABOG SA MISANG BAYAN KALABOSO

Banal na Krus Church

MALABON CITY – NABULABOG ang mga deboto ng Dambana ng Banal na Krus Church matapos pagbabatuhin ng 26-anyos na lalaki ang simbahan kamakalawa ng hapon sa lungsod na ito.

Nasa kasagsagan nang pagtuturo ng Mabuting Balita si Rev. Deacon Jhonny Roxas sa Barangay Catmon nang pagbabatuhin ni Jeomar Dacara, 26, walang hanapbuhay at residente ng 242 Sitio 6, ang simbahan dakong alas-5 ng hapon.

Nahintakutan ang ilang mga kababaihang deboto lalo na nang tumapat pa sa harap ng simbahan  si Dacara at muling nagpakawala ng malalaking tipak ng bato sa loob  mismo ng simbahan.

Bago pa tuluyang makapanakit ang suspek, humingi na ng tulong sa Malabon Police Community Precinct (PCP) 9 si Dacara at ang Sakristan ng simbahan na si Johnmiz Perez, 19, na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Jessie Tamayao, hindi pa alam ang motibo sa ginawang pambabato ng suspek habang hihintayin nila ang resulta ng medical examination nito kung lango  sa alak o sabog sa droga habang inihahanda na ang kasong paglabag sa Article 133 ng Revised Penal Code o ang Offending the Religious Feelings at Unjust Vexation laban kay Dacara. EVELYN GARCIA

Comments are closed.