NAMIMIGAY NG SAMPLE BALLOTS SA SCHOOL TIKLO

INARESTO ng mga awtoridad ang 26-anyos na helper nang maispatang namamahagi ng ‘shaded sample ballots’ sa loob mismo ng isang paaralan sa Quezon City nitong Lunes ng umaga.

Ang suspek ay nakilalang si Edward William Algura, 26-anyos, binata, helper/laborer, ALS graduate at residente ng No. 71 A Magat Salamat, Baranagay Marilag, Project 4, Quezon City.

Nakumpiska sa suspek ang ginutay-gutay na shaded sample ballots na may markings na “EWGA 1 to 3 05-09-2022”.

Sa report ni CMS Elizalde T. Toledo ng Project 4 Police Station (PS 8) ng Quezon City Police District (QCPD), bandang alas-8: 28 ng umaga, nadiskubre ang umano’y distribusyon ng ‘shaded sample ballots’ sa loob ng Teodora Alonzo Elementary School na matatagpuan sa Legaspi St., Brgy. Marilag, Project 4, Quezon City.

Batay sa pahayag ng testigong si Nonilon Esteban, 44-anyos, law student sa Philippine Law School, at Admin Officer sa San Beda University at Cyril Abadilla, 30-anyos, law student sa Philippine Law School at content moderator sa Google, nasa loob sila ng paaralan bilang para legal officers ni Councilor Franz Pumaren.

Itinalaga umano ang mga nabanggit na law students nina Atty. Sandra Santos at Atty. Jenny Yarisantos na nagtatrabaho sa legal clinic ng nasabing konsehal.

Ayon sa mga law student, nakita nila ang suspek na palakad-lakad sa loob ng paaralan at namamahagi ng sample ballots na may mga shaded ng mga kandidato mula sa national at local sa mga botante.

Agad namang inireport ang insidente kay Joey Santos, Department of Education Supervising Officer na nakatalag sa Teodora Alonzo Elementary School at kinumpiska ang mga sample shaded ballots saka pinunit.

Una nang inanunsiyo ng Comelec na bawal na ang pamamahagi ng polyetos o anumang election propaganda sa ilalim ng section 85 par (a) ng Omnibus Election code sa araw mismo ng halalan. EVELYN GARCIA