MAY inaasahang malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo matapos ang Pasko sa gitna ng ‘surge’ sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director Rodela Romero, ang presyo ng kada litro ng gasolina at diesel ay posibleng tumaas ng mula P1.40 hanggang P1.60.
Nasa P1.60 hanggang P1.80 kada litro naman ang tinatayang dagdag sa presyo ng kerosene.
“Said adjustments were tempered by signs of unexpected build up in US crude stockpiles and talks over a potential ceasefire in the Israel-Hamas war,” sabi ni Romero.
Noong nakaraang Martes, Disyembre 19, ang presyo ng kada litro ng diesel ay tumaas ng P0.10 habang may rolbak na P0.75 sa presyo ng kerosene. Wala namang naging paggalaw sa presyo ng gasolina.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang Disyembre 19, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P11 kada litro at diesel ng P3.95. Bumaba naman ng P0.21 ang presyo ng kada litro ng karosene.