NAGBABADYA ang pagtataas sa singil sa koryente sa kaagahan ng susunod na taon sa gitna ng pagsasailalim sa Malampaya gas production facility sa 15-day maintenance shutdown sa Pebrero.
Ayon kay Energy Secretary Raphael Lotilla, ang Malampaya facility ay may nakaiskedyul na downtime para sa maintenance works sa Feb. 4-18, 2023.
Ang Malampaya ang nagsusuplay ng 40% ng power needs ng Luzon.
“During this period, the supply temporarily stops and power plants need to switch to alternative sources of fuel which can be ‘more expensive historically speaking’,” sabi ni Lotilla.
Hindi naman binanggit ni Lotilla kung magkano ang posibleng power rate hike.
“We pray and hope that the international prices of liquid oil fuels will go down further in the next year or during the February and summer months so that it can tide over the country or Luzon grid in particular over these summer months,” aniya.
Tiniyak naman ni Energy Undersecretary Rowena Guevarra na hindi magkakaroon ng brownout sa Luzon sa nasabing mga panahon.
Aniya, nakikipag-usap na ang ahensiya sa mga stakeholder upang matiyak ang matatag na suplay sa Luzon grid.
Dagdag pa ni Guevarra, ang bansa ay may “sapat na margin” kahit hindi operational ang Malampaya.