MATAPOS ang magkakasunod na rolbak ay inaasahan ang malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero, base sa trading sa nakalipas na apat na araw, ang tinatayang adjustment ay nasa P1.10 hanggang P1.50 kada litro.
Noong nakaraang Martes, Pebrero 6, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.60, diesel ng P0.10, at kerosene ng P0.40.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang Pebrero 13, naitala ang year-to-date net increases na P4.45 kada litro para sa gasolina, P4.30 sa diesel, at P0.45 sa kerosene.
Sa Metro Manila, ang umiiral na retail prices ng gasolina ay nasa P55.90 hanggang P78.35 kada litro; diesel, P53.77 hanggang P67.40 kada litro, habang ang presyo ng kerosene ay naglalaro sa pagitan ng P72.49 at P83.84 per liter, ayon sa price monitoring ng DOE hanggang Pebrero 13-15, 2024.