(Namumuro sa susunod na linggo) BIG-TIME OIL PRICE HIKE NA NAMAN

petrolyo

MAY panibagong malakihang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo ang nagbabadya sa susunod na linggo.

Sa panayam sa Dobol B TV, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director Rino Abad na kinukumpirma nila ang nakaambang pagtaas na medyo malakihan sa susunod na linggo.

Ayon sa industry sources, sa oil trading monitoring sa nakalipas na apat na araw, base sa Mean of Platts Singapore (MOPS), ang presyo ng kada litro ng diesel ay maaaring tumaas ng P4.20 hanggang P4.40, habang ang gasolina ay maaaring magkaroon ng P3.10 hanggang P3.30 kada litro na taas-presyo.

“The projected pump price adjustments are still subject to change depending on the movement on Friday’s trading,” sabi pa ng oil industry source.

Samantala, kinumpirma ni Abad na ang inaasahang price increase para sa gasolina ay mahigit sa  P3 kada litro habang sa diesel ay P3 hanggang P4 kada litro

Aniya, ang global crude oil price ay nasa $128.11 per barrel hanggang nitong April 21, kumpara sa $117.45 per barrel noong April 11.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustment tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.