ASAHAN ang mixed movements sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Pinagbasehan ang oil trading sa nakalipas na apat na araw, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na ang presyo ng kada litro ng diesel at kerosene ay maaaring bumaba ng P0.30 hanggang P0.60 at P0.30 hanggang P0.50, ayon sa pagkakasunod.
Posible namang tumaas ang presyo ng gasolina ng P0.20 hanggang P0.45 kada litro.
Ayon kay Romero, ang tinatayang paggalaw ay maaaring magbago base sa resulta ng Friday trading.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, Pebrero 27, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.70 kada litro, diesel ng P0.95, at kerosene ng P1.10.
Hanggang Pebrero 27, naitala ang year-to-date net increases na P5.45 kada litro para sa gasolina, P4.45 sa diesel, at P0.40 sa kerosene.
Sa price monitoring ng Department of Energy (DOE), sa Metro Manila, hanggang Pebrero 29, ang umiiral na retail prices ng gasolina ay naglalaro sa P56.60 hanggang P79.25 kada litro; diesel, P54.00 hanggang P66.95 kada litro, habang ang presyo ng kerosene ay nasa pagitan ng P72.44 at P83.83 kada litro.
LIZA SORIANO