NAGBABADYA ang mixed movements sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon kay Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Director III Rodela Romero, base sa oil trading sa nakalipas na apat na araw, ang presyo ng gasolina ay tinatayang bababa ng P0.60 hanggang P0.90 kada litro.
Inaasahan namang tataaa ang presyo ng diesel ng P0.40 hanggang P0.60 kada litro at kerosene ng P0.75 hanggang P0.90 kada litro.
Ang final computations sa per liter adjustments ay nakadepende sa trading kahapon, Biyernes.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, Mayo 28, ang presyo ng kada litro ng gasolina at diesel ay tumaas ng P0.40, at kerosene ng P0.30.
Hanggang Mayo 28, 2024, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng P7.55 at diesel ng P4.85, habang ang sa kerosene ay bumaba ng P1.05 kada litro ngayong taon.