(Namumuro sa susunod na linggo) DAGDAG-PRESYO SA PETROLYO

POSIBLENG tumaas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa huling linggo ng Setyembre matapos ang dalawang magkasunod na linggo ng rolbak, ayon sa Department of Energy (DOE).

Sinabi ni Assistant Secretary Rodela Romero ng Oil Industry Management Bureau ng DOE na ang presyo ng gasolina ay maaaring tumaas ng P0.40 hanggang P0.90 kada litro, 
diesel ng P0.00 hanggang P0.40 kada litro, at kerosene ng P0.00 hanggang P0.20 kada litro.

Ayon kay Romero, ang hakbang ng US Federal Reserve na tapyasan ang interest rate ang nagpataas sa demand, na nagtulak sa mas mataas na presyo.

“Middle East tensions, decreasing US inventory, and a refinery in Japan undergoing maintenance also pushed prices upward,” aniya.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes, na kanilang ipinatutupad kinabukasan.

Noong nakaraang Martes, September 17, ang presyo ng gasolina ay bumaba ng P1.00, diesel ng P1.30, at kerosene ng P1.65.

Ngayong taon, ang presyo ng gasolina at diesel ay tumaas na ng P4.85 kada litro at P1.75 kada litro, ayon sa pagkakasunod.

Ang presyo ng kerosene ay nagtala naman ng total net decrease na P6.35 kada litro.

Sa price monitoring ng DOE, sa Metro Manila, ang umiiral na retail prices ng gasolina ay nasa P51 hanggang P72.45 kada litro; diesel, P46.74 hanggang P61.50 kada litro; at kerosene, mula P68.27 hanggang P78.79 kada litro.
LIZA SORIANO