(Namumuro sa susunod na linggo) OIL PRICE ROLLBACK NA NAMAN

NAGBABADYA ang panibagong bawas-presyo sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Ayon sa mga taga-industriya, noong  Lunes at Martes ay bumaba ng P0.90 ang presyo ng kada litro ng gasolina sa pandaigdigang merkado, P0.70 sa diesel at P1.46 naman sa kerosene.

Hanggang Huwebes lang din ang trading sa pandaigdigang merkado dahil holiday rin  sa Singapore sa Biyernes Santo, kaya malaki umano ang posibilidad na magkaroon ulit ng oil price rollback sa Martes.

Kapag nagkataon ay ito na ang ikatlong sunod na linggo na may bawas sa presyo ng petrolyo.

Noong nakaraang Martes, Abril 12, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P1.00, diesel ng P0.35, at kerosene ng P3.00

Ayon sa Department of Energy (DOE), ngayong taon, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng kabuuang P16 kada litro, diesel ng P26 kada litro, at kerosene ng P24.10 kada litro.

Sa datos pa ng DOE, ang presyo sa Metro Manila ay naglalaro sa P64.75 kada litro (Caloocan) hanggang P85.40 kada litro (Muntinlupa) para sa gasolina, at mula P65.80 kada litro (Quezon City) hanggang P83.49 kada litro (Pasay) para sa kerosene hanggang April 5, 2022.