MAY panibagong pagbaba sa presyo ng mga produktong petrolyo na inaasahan sa susunod na linggo, ayon sa Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB).
Base sa 4-day trading, ang presyo ng kada litro ng diesel ay posibleng bumaba ng P0.50 hanggang P0.70, gasolina ng P0.20 hanggang P0.45, at kerosene ng P0.60 hanggang P0.70.
Ayon kay DOE-OIMB Director III Rodela Romero, nakapag-ambag sa downward pressures sa oil market ang mga kaugnay na international news tulad ng inaasahang Israel-Gaza ceasefire, uncertainties sa US interest rate reduction, at tumataas na oil stocks/inventory ng US.
Ang final adjustments ay malalaman sa huling araw ng trading kahapon.
Ito na ang ikatlong sunod na linggo na may price cut sa diesel at kerosene, at ikalawa para sa gasolina matapos ang anim na sunod na linggo ng pagtaas.
Noong nakaraang Martes, Abril 30, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.25, diesel ng P0.45, at kerosene ng P0.90.
Hanggang noong Abril 23, 2024., ang year-to-date adjustments ay nagtala ng pagtaas na P10.25 kada litro para sa gasolina, P6.05 sa diesel, at P1.15 sa kerosene.
LIZA SORIANO