MAAARING magpatuloy ang rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo base sa oil trading sa pandaigdigang merkado sa mga nakalipas na araw.
Base sa unang tatlong araw ng trading, bumaba ang presyo ng imported fuel, kung saan mahigit P2 kada litro ang natapyas sa gasolina.
Sa pagtaya ni Jetti Petroleum President Leo Bellas ay magpapatuloy ang price cut sa Pilipinas sa susunod na linggo bagama’t may dalawang trading days pa na nalalabi.
Ayon kay Bellas, pangunahing dahilan nito ang ceasefire at ang posibilidad ng peace agreement sa Gaza sa pagitan ng Israel at Hamas, gayundin ang tumaas na oil inventory sa US.
Ayon kay Bellas, maaaring magpatuloy ang pagbaba ng presyo sa pandaigdigang merkado kapag bumuti ang sitwasyon sa Gaza at walang iba pang geopolitical tensions na sisiklab at magbabanta sa oil supply.
Sa kasalukuyan, ang presyo ng diesel at kerosene ay bumaba ng tatlong sunod na linggo habang dalawang sunod na linggo naman sa gasolina matapos ang anim na sunod na linggo ng pagtaas.
Noong nakaraang Martes, Mayo 7, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.75, diesel ng P0.90, at kerosene ng P1.05.