INAASAHAN ang bawas-presyo sa mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Sa pagtaya ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau (DOE-OIMB) Director III Rodela Romero, ang presyo ng gasolina ay posibleng bumaba ng P0.20 hanggang P0.45 kada litro.
Nasa P0.40 hanggang P0.60 kada litro naman ang inaasahang rolbak sa presyo ng diesel at P0.70 hanggang P0.90 kada litro sa kerosene.
Ayon kay Romero, ang final adjustments ay madedetermina matapos ang Mean of Platts Singapore (MOPS) trading sa Biyernes.
“Oil prices settled lower due to easing fears of an Iran-Israel escalation after Tehran said it would not seeks to retaliate to Israel strike last week,” sabi ni Romero.
“Added on the said relief on the oil markets are the uncertainty in the demand outlook and the continuous increase in the inventory of crude of the US,” dagdag pa niya.
Noong nakaraang Martes, Abril 23, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P0.55, habang bumaba naman ang sa diesel ng P0.95, at kerosene ng P1.10.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang Abril 23, 2024, naitala ang year-to-date net increase na P10.25 kada litro para sa gasolina, P6.05 para sa diesel, at P1.15 sa kerosene.
LIZA SORIANO