(Namumuro sa susunod na linggo) TAAS-PRESYO SA PETROLYO

Petrolyo

MATAPOS ang tatlong sunod na linggong rolbak ay inaasahan ang pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Sa pagtaya ng Unioil Petroleum Philippines, ang presyo ng kada litro ng diesel ay tataas ng P1.30 hanggang P1.50 simula sa Martes, Mayo 16.

Nasa P0.30 hanggang P0.50 kada litro naman ang posibleng dagdag-presyo sa gasolina.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustments tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.

Noong nakaraang Martes, Mayo 9, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P2.20, diesel ng P2.70, at kerosene ng P2.55.

Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Mayo 9, ang presyo ng gasolina ay tumaas na ng P3.85 kada litro, habang ang presyo ng diesel ay bumaba ng P7.05 kada litro at kerosene ng P7.50 kada litro.