MAY dagdag-bawas na naman na inaasahan sa presyo ng mga produktong petrolyo sa susunod na linggo.
Ayon sa industry sources, ang presyo ng gasolina ay maaaring tumaas ng mula P0.75 hanggang P1 kada litro, habang nasa P1.30 hanggang P1.50 kada litro naman ang inaasahang dagdag-presyo sa kerosene.
Ito na ang ikalawang sunod na linggo na may price hike sa gasolina.
Tinataya namang bababa ang presyo ng diesel sa ikalawang sunod na linggo sa P0.25 hanggang P0.50 kada litro.
Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng price adjustment tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.
Noong nakaraang Martes, Nobyembre 8, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas ng P1.40, habang ang diesel ay may bawas na P0.50 kada litro at kerosene ng P0.35 kada litro.
Sa datos ng Department of Energy (DOE), hanggang noong Nob. 1. ngayong taon, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay tumaas na ng P15.85, diesel ng P36.80 at kerosene ng P28.95.