(Namumuro sa susunod na linggo)PANIBAGONG BAWAS-PRESYO SA PETROLYO

OIL PRICE HIKE-2

MAY panibagong rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo na inaasahan sa susunod na linggo.

Gayunman ay hindi ito kasinlaki noong nakaraang linggo.

Sa pagtaya ng mga taga-industriya, ang presyo ng kada litro ng diesel ay maaaring bumaba ng P0.30 hanggang P0.60, habang sa kerosene ay P0.10 hanggang P0.40 kada litro.

Ang presyo ng gasolina ay posibleng hindi gumalaw o magkaroon ng P0.20 kada litrong tapyas.

Ang mga kompanya ng langis ay karaniwang nag-aanunsiyo ng taas-presyo tuwing Lunes na kanilang ipinatutupad kinabukasan.

Noong nakaraang Martes, Oktubre 25, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.35, diesel ng P1.10, at kerosene ng P0.45.

Sa pinakahuling datos ng Department of Energy (DOE), ang net price increases buhat nang magsimula ang taon para sa gasolina, diesel at kerosene ay nasa P16.45, P38.50 at P29.65 kada litro, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Sa price monitoring ng DOE, mula October 25 hanggang 27, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay naglalaro sa P62.05 hanggang P72.70 kada litro sa Quezon City; diesel, P76.20 hanggang P80.89 kada litro sa Makati City, habang ang presyo ng kerosene ay mula P79.71 hanggang P88.80 kada litro sa Manila.