(Namumuro sa susunod na linggo)PANIBAGONG OIL PRICE ROLLBACK

OIL PRICE HIKE-2

INAASAHANG magpapatupad ang mga kompanya ng langis ng panibagong rolbak sa presyo ng mga produktong petrolyo simula sa Martes, Setyembre 20.

Sa pagtaya ng mga taga-industriya, ang presyo ng kada litro ng diesel ay bababa ng P3.80 hanggang P4.00 habang ang gasolina ay may tapyas na P0.15 kada litro o posibleng walang magiging paggalaw.

Ito na ang ikatlong sunod na linggo na may tapyas sa presyo ng petrolyo.

Noong nakaraang Martes, Setyembre 13, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay bumaba ng P0.45, at diesel ng P1.45.

Ayon sa Department of Energy (DOE), hanggang August 30, ang net price increases buhat nang magsimula ang taon para sa gasolina, diesel at kerosene ay nasa P19.55, P37.80 at P33.20 kada litro, ayon sa pagkakasunod-sunod.

Sa datos ng DOE, hanggang September 6-8, 2022, ang presyo ng kada litro ng gasolina ay naglalaro sa P63.75 hanggang P73.55 kada litro sa Quezon City; diesel, P77.20 hanggang P81.95 sa Makati City; at kerosene, P82.11 hanggang P93.45 kada litro.