KINUMPIRMA ni Philippine National Police (PNP) Chief, Gen. Debold Sinas na nasa sampung magulang pa lamang ang dumulog sa kanila para sagipin ang kanilang mga anak na namundok o na-recruit ng mga miyembro ng Communist Party of the Philippines –New People’s Army (CPP-NPA).
Ito ang inihayag ni Sinas sa unang press conference ngayong taon at tiniyak na kanilang pinaigting ang kanilang ugnayan sa mga magulang na nawawalan ng anak.
Ang mga anak na pawang kabataan ay natigil sa pag-aaral makaraang ma-recruit ng CPP-NPA.
“Isang seryosong usapin ang problema ng mga magulang ng mga namundok kaya mas pinatibay namin ang ugnayan sa kanila para matu-lungan na makauwi na ang mga anak at makabalik sa pag-aaral,” ani Sinas.
Aminado si Sinas na sa ngayon, tanging mga magulang na nagrereklamo ang kanilang basehan para gumawa ng hakbang para sagipin ang mga kabataang na-mundok.
Sinabi ni Sinas na hindi naman sila basta maaaring kumilos at agad paghuhulihin ang mga pinaghihinalaang recruiter kundi dapat ay magsisimula sa mga magulang ang mga reklamo.
Karaniwan, ayon kay Sinas, ang nagiging problema kapag nag-operate sila laban sa hinihinalang recruiter ay nauuwi sa wala dahil wala namang nagrereklamong mga magulang.
Isang halimbawa, kapag kukuhanin na ng mga pulis ang na-recruit na dating learner ay nakikiusap ang mga magulang na huwag kasuhan kaya nauuwi sa wala ang kanilang operasyon at bandang huli sila ang nahaharap sa kaso.
Payo ni Sinas sa mga magulang na namundok ang anak, kung kilala nila ang nag-recruit sa kanilang mga anak ay agad kasuhan. EUNICE CE-LARIO
Comments are closed.