NANAGASA SA SEKYU KAKASUHAN

KASONG reckless imprudence to physical injury ang kakaharapin ng driver na nanagasa ng sekyu kamakalawa sa lungsod ng Mandaluyong.

Agad na kakasuhan ang tumakas na driver ng Toyoto Rav4 na sumagasa sa sekyu habang nagsasaayos ng trapiko sa J. Vargas kanto ng Saint Francis St., Brgy., Wack-Wack, Mandaluyong City.

Kinilala ni Col. Gauvin Mel Unos, hepe ng pulisya ang biktima na si Christian Froralde y Diaz , security guard ng Raptor Security Agency sa lugar.

Base sa imbestigasyon ng mga awtoridad, dakong alas- 3:50 kamakalawa ng hapon naganap ang insidente habang nagmamando ng trapiko ang biktima sa nasabing lugar.

Ayon sa pulisya, tila sinadyang bundulin ng driver ng Toyota Rav4 na may plakang NCO-3781 at saka mabilis na tumakas.

Agad na isinugod ng mga personnel na nagrescue sa biktima at dinala ito sa VRP Hospital para sa medical attention.

Idineklarang ligtas na ang biktima ngunit nagkaroon ng fracture ang likurang bahagi at gawing ulo nito.

Sinabi naman ng opisyal na kilala na nila ang may-ari ng sasakyan at inaalam na ang pangalan ng driver nito base sa resulta ng LTO verification at oras na madakip ay sasampahan na ito ng kaukulang kaso.
ELMA MORALES