MAYNILA – KASADO na ng Manila Police District (MPD) ang manhunt operation laban sa drayber ng kotse na umararo sa tatlong katao at nakaparadang mga motorsiklo kung saan akto pang nakuhanan ng video footage at nag-viral sa Facebook, sa Nagtahan.
Kasalukuyan ng pinaghahanap ng mga awtoridad ang suspek na nakasuot ng asul na tshirt habang nasa kustodiya na ng pulisya ang kasama nitong babae maging ang sasakyang gamit nito.
Batay sa inisyal na ulat ni PLt. Col. Carlo Manuel Magno, hepe ng PIO ng MPD, bandang alas-12:00 ng tanghali nang maganap ang insidente sa kahabaan ng J.P. Laurel St., Nagtahan, Manila.
Lumalabas sa ulat na unang nasita ang driver ng kotse sakay ng kanyang kulay dark green na Toyota Vios ng mga MMDA traffic enforcer sa lugar dahil sa paglabag umano sa batas trapiko.
Gayuman, base sa nakuhanang video ng isang Reissel Salinas at na-upload sa Facebook, sa halip na huminto ay nataranta umano at mabilis na pinaharurot ng suspek ang sasakyan at pinasok ang isang eskinita na katabi ng creek subalit laking gulat nito dahil dead end ang napasok.
Nang pasukin nito ang nasabing eskinita ay rito na niya umano nabangga ang tatlong biktima at inararo ang mga nakaparadang pampasaherong jeepney at mga motorsiklo sa lugar.
Sa galit ng mga residente at mga may-ari ng mga nabanggang sasakyan ay pinagbabato ng malaking bato, kahoy at maging martilyo ang kotse ng suspek hanggang sa mabasag ang windshield nito sa harapan habang dali-daling muling pinaharurot paatras nito ang sasakyan palabas ng kalye.
Nagawa namang makaalis sa lugar ng suspek subalit sa kagustuhang makatakas, muli itong nakabangga ng isa pang tricycle at van na nasa unahan nito at saka humarurot at tuluyang nakatakas patungo sa direksiyon ng Mabini Bridge.
Bahagyang nakuhanan ng video ang mukha at suot ng lalaking suspek dahil nakababa na ang salamin nito sa pintuan ng sasakyan.
Sa panayam kay Magno, nakatakas umano ang suspek dahil kumaripas na ito ng takbo at iniwan ang sasakyan maging ang kasamang babae na hawak na ng Manila Traffic.
Nakuhanan din umano ng mga identification card (Id) ang suspek sa loob ng kotse ngunit may iba-iba itong pangalan at itsura. PAUL ROLDAN
Comments are closed.