PLANO ng isang dating overseas Filipino worker (OFW) na magtayo ng negosyo sa kanyang napanalunan sa Mega Lotto 6/45 na P36,740,623.60 sa jackpot prize ng P73,481,247.20 na kung saan ay dalawa silang naghahati na binola nitong Miyerkules ng gabi.
Masayang kinubra ng masuwerteng mananayang taga Barangay Poblacion, Makati City ang kanyang napanalunan sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO), Main Office, Shaw Boulevard Mandaluyong City habang hindi pa nake-claim ang kalahati ng panalong jackpot prize.
Ayon sa lucky winner, matagal na niyang inaalagaan ang kanyang lucky number na 37 – 29 – 42 – 21 – 27 – 05 na halos dalawang taon na siyang araw-araw na tumataya ng lotto at gumagastos ng P60.00.
“Iyong bet slip na ginagamit ko meron ng shade iyong mga alaga kong numero hindi ko na pinapalitan yun, twing tataya ako sa Lotto iyon ng iyon ang binibigay ko sa teller tapos itatago ko uli sa wallet ko para kinabukasan kasi tataya ako uli, para hindi na rin ako nahihirapan sa pag shade uli”, ayon sa winner na hindi na binanggit ang pangalan na taga-Makati City.
Sinabi pa nito na sapat ang kanyang kinita sa abroad at nakapagpatayo siya ng maliit na sari-sari store at napag-aral ang dalawang anak sa kolehiyo at ang ngayong napanalunan ay ipaaayos ang kanilang bahay at magtayo ng negosyo.
”Hindi ko po maintindihan ang nararamdaman ko sa ngayon masaya pero kinakabahan ako. Pasalamat ako sa Diyos sa biyayang ito, sa PCSO sana ay patuloy na makatulong sa mga nangangailangan at kung may pagkakataon lamang po ako na sabihin sa buong Pilipinas na totoo po ang Lotto at tutuong may nananalo,” anito.
Sa ilalim ng Tax Reform Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law, nabawasan ng 20% tax ang kanilang panalong jackpot prize at ang mga hindi pa nakukubrang panalo na umabot ng isang taon ay mapo-forfeit at maisasama sa PCSO Charity Fund.
Paalala pa ng PCSO na huwag kalimutang pirmahan at lagyan ng pangalan sa likod ang mga winning ticket at iwasan din na malukot at mapunit ang mga tiket upang hindi maabala sa pagkuha ng panalo.
Nagpapasalamat ang pamunuan ng PCSO sa lahat ng tumatangkilik na tumaya ng lotto dahil nakakatulong ang PCSO sa ilang institusyon na naglalaan ng pondo para makatulong sa mga may sakit. VICK TANES