BANGSAMORO- MAYROON nang persons of interest ang Philippine National Police (PNP) sa pananambang sa dalawang pulis sa Maguindanao del Sur noong nakaraang Linggo.
Ayon kay PNP PIO Chief BGen Red Maranan, maganda ang development sa kaso at patuloy ang pagtugis ng Police Regional Office ng Bangsamoro sa likod ng krimen.
Tumanggi naman si Maranan na magbigay ng bilang sa kung ilang persons of interest ang kanilang binabantayan.
Aniya, sa nasabing insidente ay agad na isinailalim na sa full alert status ang PRO-BAR.
Pinaigting na ang security posture sa lalawigan gaya ng checkpoint, chokepoint, pagpapatrolya at intelligence gathering.
Una nang kinokondena ng PNP ang krimen kasabay ng pagtitiyak na makamit ang hustisya para sa naiwang pamilya ng mga biktima na sina Pat. Saipoden Shiek Macacuna at Pat. Bryan Polayagan.
Nabatid na maliban sa dalawang pulis na nasawi, sugatan din sa pananambang ang apat pang pulis.
EUNICE CELARIO